Kapag nagmahal tayo, natututo tayong maging matatag. Matatag sa paraang kahit anong dumating sa’tin na pagsubok, kakayanin natin ito sa ngalan ng pagmamahal natin para sa taong ‘yun. Na kahit mahirapan na tayo at kahit pa dumating tayo sa puntong hindi na natin kaya, gagawin pa rin natin ang lahat para lang sa pagmamahal, para mapatunayan natin na karapat-dapat tayo sa pagmamahal na ‘yun. Hindi naman natin maiiwasan na kung minsan, talagang may mga pagsubok na ibabato sa’tin ang panahon. Ang kailangan mo lang gawin ay harapin mo ‘yun nang nakatayo, at kung madapa ka man, ‘wag kang mag-alala kasi may isang taong aalalay sa’yo para muling makabangon ka ulit. Maging matatag ka hindi lang para sa sarili mo kundi para sa inyong dalawa at sa pagmamahalan niyo.
Kapag nagmahal tayo, natututo tayong umintindi. Isa na siguro sa masasabi kong susi para sa isang matatag na pagsasama ay ang pag-intindi sa isa’t isa. Kaya mo siya minahal kasi naiintindihan mo siya at kaya ka rin niya minahal, kasi naiintindihan ka niya. Minsan, ginagawa na lang natin ito para hindi na magkagulo. Iintindihin mo na lang siya kasi nga mahal mo siya. Magbibigay ka na lang, magpaparaya, ‘wag lang siyang mawala. Pero hanggang kailan mo nga ba dapat intindihin siya? Palagi? Sa isang relasyon kailangan give and take kayo. Magbigayan. Makinig sa bawat isa. Kung may mga bagay kayong hindi maintindihan, pag-usapan niyo. Lahat naman ay nadadaan sa mabuting usapan hindi ba? Pero sana hindi naman kayo dumating sa puntong sobra na, na palaging iniintindi mo siya o ikaw na lang ang palaging iniintindi niya.
Kapag nagmahal tayo, natututo tayong magpakumbaba. Pagpapakumbaba sa paraang hindi pagmamataas. Hindi pagmamatigas. Ang pag-kain sa sarili niyang ‘pride’ para lang sa minamahal niya. Sa kadahilanang ayaw mo nga siyang mawala, minsan ginagawa natin na kahit siya ang may kasalanan, ikaw na lang ang hihingi ng tawad hindi ba? Aakuin ang kasalanan, lalamunin ang ‘pride' at magpapakumbaba. Pero dapat nga bang palaging ikaw na lang? Pagpapakumbaba, isang mahalagang ugali para sa dalawang taong nagmamahalan. Nagpapatibay, nagpapahaba, at nagpapatagal ng pagsasama. Isang kasiguraduhan ng pagmamahal mo hindi lang para sa kanya, kundi para sa inyong dalawa.
Kapag nagmamahal tayo, natututo tayong gawin ang iba’t ibang bagay alang-alang para sa minamahal nating tao. Ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama pagdating sa ‘Love’. ‘Nothing is impossible’ kumbaga. Gagawin mo ang lahat, mahirap man ito, masaktan ka man, o kahit pa mukhang imposible ito para sa’yo at para sa ibang tao. Mahal mo, kaya kahit ano, gagawin mo.
No comments:
Post a Comment