Kapag mahal natin ang isang tao, okay lang sa atin kahit masaktan tayo. Kaya natin tiisin. Kaya natin maghintay. At kung minsan nga, kaya nating magmukhang tanga para sa kanila. Pero nakakapagod pala.
Parang ako, mahal ko siya, walang duda dun. Pero umabot pa din ako sa puntong nakakapagod na pala. Nagising na lang ako isang araw na ayoko na pa lang masaktan. Nasasawa na pala ako sa kakatanong at kakahintay.
Kahit gaano pa man natin kamahal ang isang tao, kapag nasasaktan tayo, kusa rin tayong lalayo para hayaan ang sarili natin na maghilom lahat ng sugat at sakit na nakuha natin. Kahit gaano pa kalaki yong na’invest mo para sa relasyon niyo, kusa tayong magkakaisip na kung patuloy tayong magpapakatanga, mas maraming bagay pa ang masasayang. Kailangan pala nating umusad.
Minsan kailangan lang talaga natin tulungan ang sarili natin. Darating yong araw na hindi mo na muna iisipin na mahal mo siya, iisipin mo na lang na hindi ka dapat nasasaktan ngayon. Dapat masaya ka. Hindi ka dapat umiiyak.
Hindi pala sapat na nagtitiis tayo sa sakit ng dahil lang sa mahal natin sila. Okay lang pala na masawa at mapagod lalo na’t sobrang sakit na. Okay lang pala na sumuko kahit mahal mo pa. At okay lang pala na lumayo ka para hayaan ang sarili mo na maging masaya.
No comments:
Post a Comment